Buwan ng Wika Ipinagdiwang

Matagumpay na idinaos ng mga mag-aaral, mga guro at mga magulang ang isang buwang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto. Sinimulan ang selebrasyon noong ika-isa ng Agosto sa pamamagitan ng isang tableau drama na ipinamalas ng mga kasapi ng Dulaang Salamisim. Itinampok dito na kaakibat ng pagbabago sa ating lipunan at kultura ay ang patuloy na paglago at pag-unlad ng wikang Pilipino. Alinsunod ito sa tema ng pagdiriwang na “Filipino: Wikang Mapagbago.”

Kasabay ng panimulang gawain ay ang pagbubukas ng eksibit na kung saan ay natunghayan ang iba’t ibang natanging proyekto ng mga mag-aaral sa Senior High School. Kabilang sa mga ito ang mga karatulastasan, maikling kwento sa anyong paaklat, mga trivia poster tungkol sa wikang Filipino, at mga miniature ng magagandang tanawin at mga pagdiriwang sa bansa.

Naging abala rin ang mga mag-aaral sa iba’t ibang gawain patungkol sa pagdiriwang. Ang mga nasa ikapito hanggang ikasampung baitang ay gumawa ng mga slogan at poster at lumikha ng jingle. Habang ang mga nasa mababang paaralan naman ay nagsulat ng sanaysay tungkol sa mga kuwentong Pinoy pinanood nila sa klase.
Higit na naging kalugod-lugod and pagdiriwang sa pagtatapos na palatuntunan na inihanda ng Kinder 1 at Kinder 2 noong Agosto 31. Sa kanilang pagtatanghal, ang mga mag-aaral ay nagpamalas ng kanilang angking talento sa pamamagitan ng awit-galaw at katutubong sayaw. Suot ang kanilang makukulay na katutubong kasuotan, ipinakita ng bawat isa ang mayuming paglalakad sa entablado na lubos na kinagiliwan ng kanilang mga magulang.
Ang ‘Buwan ng Wika’ ay isang taunang selebrasyon na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Agosto, alinsunod sa Proclamation 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Bukod pa rito, ang buwan ng Agosto ay siya ring kapanganakan ng Ama ng Wikang Pambansa na si dating Pangulong Manuel L. Quezon na isinilang noong Agosto 19, 1878.

It's only fair to share...Share on FacebookShare on Google+Tweet about this on TwitterShare on LinkedIn